Saturday, 4 November 2017

Ang Katotohanan sa Bawal na Gamot





Sa siyensa, ang gamot ay makakapagbigay-lunas sa sakit, ngunit kapag ito ay inabuso sa paggamit ay nakakasama at nagdudulot ng sakit sa pag-iisip at sa pisikal. Sa kasalukuyan, marami ng mga tao ang nalululong sa masamang bisyo lalo na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot o droga. Lahat tayo ay maaaring maging biktima at malulong sa droga dahil wala itong pinipiling edad at kasarian. Subalit, lagi nating tandaan na sa ating mga palad nakasalalay ang landas na ating tatahakin sa ating buhay.

Mga dahilan kung bakit mayroong gumagamit ng droga




Maraming iba pang salik ang nakadaragdag sa lumalagong pag-aabuso sa droga. Kabilang sa mga ito ang matinding kabiguan, panlulumo, at kawalan ng layunin sa buhay. Karagdagan pang mga dahilan ay ang problema sa kabuhayan, kawalan ng trabaho, at hindi mabuting halimbawa ng mga magulang at kaibigan. Ang ilan na nahihirapang makipag-ugnayan sa kapwa ay gumagamit ng droga upang matulungan silang harapin ang mga situwasyong panlipunan at naniniwalang ito lamang ang tanging solusyon.

Mga epekto ng droga:





Kasama sa mga kapinsalaang naisasanhi ng mga bawal na gamot ang ukol sa pagkakaroon ng problema sa katawan, sa kalusugan, sa mga relasyon sa kaibigan at mag-anak. Maidaragdag din dito ang pinsala na nagaganap sa kanyang pamumuhay dahil sa paggamit ng bawal na gamot, pati na ang sa hanap-buhay, pag-aaral, at akomodasyon. Humahantong din ang paggamit ng bawal na gamot sa anumang paglabag sa batas ng tao at lipunan. Ang paggamit ng droga ay nakapananakit sa maraming tao lalo na kung wala ka sa tamang pag - iisip. Ang paggamit ng droga ay nagtutulak sa isang tao na gumawa ng mga di kanais - nais na gawain at nagiging bayolente.

Kontra Droga sa Kasalukuyan


Alam naman nating mga Pilipino na ang droga ay hindi mabuti para sa ating kalusugan ngunit may mga tao paring gumagamit nito. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng ating pamahalaan at sa naturang batas. Laganap na ang isyu ukol sa iligal na droga sa ating lipunan kaya’t buong puwersa nang umaarangkada sa giyera ang administrasyong Duterte kontra sa ilegal na droga. Sa mabilis na paggulong ng sistemang ito ay walang duda na ramdam na ng mga mamamayan ang masama at mabuting dulot ng pagbabagong hatid nito sa ating bansa.

Ano-ano ang mga masamang naidudulot ng Kontra Droga sa ating lipunan?





Kontrobersyal ang naging pagtugon ng pamahalaan sa problema ng masamang droga. Oplan Tokhang ang naging bansag sa pamamaraan ng kapulisan upang hanapin at tugisin ang mga sinasabing nagtutulak at gumagamit ng droga. Pero ang malaking kaibahan ay mga inosente ang nabibiktima ng mga kriminal at durugista, dito rin natatalakay ang pag-alma ng mga mamamayan sa karapatang pantao. Ang kalunos-lunos na dami ng patay sa laban sa droga ay malaking balakid sa paglago ng ekonomiya dahil nagdudulot ito ng masama at hindi kaaya-ayang klimang pang-ekonomiya. At marami pang ibang negatibong komento ang kumakalat laban sa paraang ito.

Ano-ano ang mga mabuting naidudulot ng Kontra Droga sa ating lipunan?



Ang giyera laban sa iligal na droga ay hindi giyera laban sa buhay ng tao, kundi giyera para sa buhay ng bawat Pilipino. Ginagawa ng bagong pamahalaan ang lahat para sa ikabubuti at ika-uunlad ng mga mamamayan at ng ating bansa upang makamit ang kalayaan at kapayapaan na matagal na nating hinahangad. Ayon kay Duterte, "human rights must work to uplift the human dignity. But human rights cannot be used as an excuse to destroy the country—your country and my country." Tanggapin nalang natin ang katotohanan na mayroon man itong kapalit ay positibo pa rin ang maidudulot nito sa atin.

Mahirap mang paniwalaan na lumalala na ang iligal na droga sa Pilipinas ngunit kailangan nating tanggapin ang katotohanan. ito ang dahilan ng bagong administrasyon upang masigasig na labanan at pugsuin ang iligal na droga sa Pilipinas. Sa kanyang talumpati kamakailan, isiniwalat ni Pngulong Duterte ang pangalan ng 150 mga kawani ng pamahalaan na dawit sa iligal na droga. May mga alegasyon din ng anumaliya sa iligal na droga sa New Bilibid Prison.
Sa ngayon, ilang libo na ang mga namamatay sa mga police operation at mga drug related na mga pangyayari magmula nang maupo sa pwesto ang bagong president. 

Syempre, may mga pagtutol na nagsilabasan tulad ng mga mambabatas na humihiling na paimbistigahan ang mga patayang nagaganap sa operasyon ng pulis kontra iligal na droga sa Pilipinas. Natatakot ang ilan na kung hindi matitigil ang ganitong mga patayan, ito ay lalo pang lalala pagdating ng panahon.

May mga sang-ayon din sa gyera kontra droga. Isa na riyan ang New People’s Army na kumbinsido sa aksyon ng pamahalaan na labanan ang droga. Ang mga opisyal ng gobyerno, mga pulis at mga sundalo ay buong pusong sumusuporta sa gyera kontra iligal na droga sa Pilipinas.